First Love Never Dies? E Bakit Buhay Pa Siya?

(Originally written on March 2, 2013 at https://blog.ajperez.org)

Tapos na ang panahon ng Gangnam Style. Harlem Shake naman ngayon ang nauuso. At dahil madami sa ating mga kaibigan ay sunod-sunuran kung ano ang uso, malamang narining mo na ang mala-“dubstep” na tunog ng kanta ng Harlem Shake. Akalain mo nga naman ano, kapag mayaman at sosyal ang nagpapatugtog, “dubstep” ang tawag sa genre ng kanta, pero kung taga-kanto ang nagpatugtog, “budotz” ang tawag. Parang pagsuot ng varsity jacket, pagmayaman ka, cool ka dahil naka varsity jacket ka, pero kapag jologs naman ang nagsuot, mukha daw silang barangay tanod na rumoronda.

Madali lang naman sayawin ang Harlem Shake. Imagine mo lang na kinu-kumbulsyon ka, yun na yon. Kaya nga sabi nila, just be yourself kung sayawin mo ito. So, ibig sabihin, kung baliw ka, para sa’yo ang dance craze na yan.

Pero, bago pa na-uso ang Harlem Shake na yan, ilang beses ko nang nakitang sinayaw ang dance step na yan. Maniwala kayo sa akin, luma na yan, noon ko pa nakita yan. Usually, ang sumasayaw nyan (kahit walang music) ay yung mga taong kakahiwalay lang sa boyfriend o sa girlfriend. Lalo na kung naglasing dahil sa sinapit nya. Inisip ko tuloy, kaya naimbento tuloy ang Harlem Shake para pagtakpan ang pagwawala ng mga broken-hearted na lasing. Sabi siguro ng DJ na nag-imbento, “gawin na lang nating dance craze yan para hindi sila mahalata.”

Hay. Heartbreak. Siguro halos lahat tayo naka-experience nyan. Madaming uri yan: May brokenhearted dahil na-basted, meron naman na broken-hearted dahil nakipaghiwalay sa mahal niya, at yung iba naman, broken-hearted dahil gumradweyt na sila, di pa rin nagkaka-love life.

Pero ngayon, pag-usapan muna natin kung ano ang pinaka-common sa mga lahat ng nagmahal: Ang first love. Malamang, lahat ng umibig nagka-first love, puwede ba naming second love agad?

Paunawa: Kung hanggang ngayon, kayo pa rin ng first love mo. Tigilan mo nang magbasa kasi mababasa mo dito ang future nyo. (Haha, bitter.) Pero congrats ha, kayo pa rin ng first love mo. Good luck and hopefully kayo forever. (Haha, bitter ulit.)

Pero sa atin na natapos na ang kabanata ng first love, isang malaking cheers! Kampay! At naka-survive tayo lahat sa kabanatang iyon.

Sabi nila, first love never dies. Ilang kanta na ang ginawa dahil dyan. Naaalala mo pa ba ang first love mo? Uy, aminin mo, napa-hinto ka ng sandali nung tinanong kita. Alam ko every time na marinig natin ang salitang “first love” may isang mukha tayong naaalala agad. O, napa-hinto ka na naman.

Ang iba sa atin, kung sino ang pinakaunang BF or GF, yun ang first love. Pero yung iba sa atin, naka-ilang BF o GF na bago pa nakilala yung first love. E kasi naman, minsan, kahit Grade 5 pa lang may syota na. Ano ang tawag sa mga ganun?: “Liga ng mga pinabayaan ng magulang.” At meron ding iba, yung first love nila, di sila nagkatuluyan kasi bawal pa.

Kung ako ang tatanungin, ang first love ay yung taong unang nakagawa ng malaking “impact” sa buhay mo. At ngayon dahil wala na siya, impakto na lang siya ng iyong nakaraan.

Iba ang pakiramdam noong kayo pa nang first love mo, para kang nasa alapaap. Para bang nasa sinehan ka’t  ikaw si John Lloyd at siya sa Bea. Yung pakiramdam na kinikilig ka bawa’t oras na nagmumukha ka nang timang minsan. Yung tipong kapag nakarinig ka ng love song sa radio ay sya agad ang naiisip mo. Yung tipong lagi kang nakangiti at siya na lang lagi ang iniisip mo. Yung favorite number mo ay iyong araw noong kailan kayo naging kayo. Yung tipong ang yabang mo sa school kasi yung mga ibang classmates mo wala pang BF o GF at ikaw ay meron na. Yung tipong lahat ng picture nya ay gusto mong ilagay sa computer mo at gumagawa ka pa ng slideshow gamit ang Microsoft Movie Maker na may background na love song. At mga favorite words?: “Always here for you.” “I love you until I die.” At ang imortal na: “Forever.”

Pero dumating ang panahon, na naghiwalay kayo. Madaming dahilan. Kasalanan niyong dalawa, pero sa isip mo, kasalanan niyang lahat. Naranasan mong umiyak ng umiyak kasi parang may karayom na tumutusok sa dibdib mo at kapag mag-isa ka na lang sa kuwarto ang sarap ibato lahat ng gamit sa kuwarto mo. At tuwing matutulog ka na, nagdadasal ka na sana bukas kayo ulit.

Pero hindi ito nangyari. Dumating ang bukas, lumipas pa ang isang bukas, naging linggo, naging buwan, at umabot pa ang mga taon. Life was never the same without her (or him), but you survived. Hanggang ngayon naman buhay ka pa. Naka-survive ka, at hopefully, naka-move on na. Pero aminin man natin o sa hindi, nagbago ang buhay natin pagkatapos ng yugto na iyon. At salamat sa kanila, natuto tayo at nalaman natin ang realidad ng buhay. At dahil nasaktan tayo, naging mas matapang tayo at natutong maging manhid.

At nakakilala tayo ng bagong mamahalin. At marami sa atin, ganun ulit ang nangyari, naghiwalay, nakakilala ulit ng bago, naghiwalay, paulit-ulit. Siguro, marami sa atin, madami na ang minahal mula noong kay first love. At siguro nga, sa puntong ito, wala ka na talagang nararamdaman sa kaniya. Pero, salamat pa rin. Ikaw ang una kong minahal, at nang dahil sa iyo, ang dami kong natutunan lalo na noong naghiwalay tayo.

At ang pinakamahalagang aral sa tingin ko? Hindi si first love ang pinakaimportante. Si last love ang importante. At kung may ka-relasyon ka ngayon, sana siya na. At kung wala pa, sana dumating na siya.

Pero, malay mo, makita mo si ex first love mo habang naglalakad ka sa mall. Ngitian mo siya at batiin, huwag mo siyang iwasan. At mag-joke ka sa kaniya, sabihin mo: “Alam mo, I remember, Diba sabi mo noon, ‘you love me forever, until death?’ Eh bakit buhay ka pa?”

Now let's talk about your event.

Let's find out what's the best way we can do for your organization. Let's explore all the possibilities we can find that can give you the best results yet at the same time will fit your organization's resources. There's no harm in trying, right? As one famous philosopher said, "A journey of a thousand miles begins with a single step." Let's take the first step, shall we? Click the button below to get in touch with me.

Email: hello@ajperez.ph
Viber/Whatsapp: +63 995 830 4070
Mail: NHQ Building, Gempesaw Ext., Davao City, 8000​

AJ Perez is a proud member of:

aj credentials

Copyright © 2021, Alwyne Jan C. Perez. All Rights Reserved.
Website design and maintenance by AJ Perez. | Powered by Wordpress, Astra Theme and Elementor